Hindi kaya kapre talaga ako?

7/14/2019 Japhet 0 Comments

Iginuhit ni Nuz Romero
Noong bata ako, naalala ko kung gaano ako namamangha sa dalawang baleteng nakatanim sa tapat ng tinitirahan namin. Lagi akong tinatakot ng mga matatanda na may nakatira daw doon, pero hindi nito napigilan ang kagustuhan kong tumambay at pagmasdan ang mga paru-paro at mga itim na insektong makikita mo lang kapag tinuklap mo ang mga dahon ng balete. May maliit na kanal na naghihiwalay sa kalsada at mga balete. Tuwing tatalon ako para makatawid sa kabila ay may pakiramdam akong tumatawid ako sa kabilang dimensyon kung saan may mga kakaibang nilalang akong makikita. 

"Tabi-tabi po" wika ko bago mamitas ng mga bulaklak ng santan na nasa gitna ng dalawang puno. Sisipsipin ko ang katas ng bulaklak bago ko ito gawing porselas, tapos saka ako mangunguha ng mga nakatiklop na dahon at titignan ang mga maiitim na insekto. Ang gaganda nila, para silang mga nakasuot ng mga makikinang na itim na damit at nagsasayawan sa ibabaw ng luntiang dahon ng balete. Ganito siguro ang pakiramdam ng mga kapre kaya madalas silang inilalarawang namamahinga sa malalaking puno at humihithit ng tabako. 

Kuwento nila mama sa amin noon, may nakita daw siyang isang anino ng batang maliit na naglalaro sa tabi ng aming kama. Inakala niya daw na ako yun, pero mahimbing akong natutulog sa tabi niya nang mangyari ang insidente. Ilang taon ang lumipas, lumipat kami ng bahay, tanghaling tapat noon at kumakain ang kapatid ko at si papa sa kusina. Nakahiga ako at pinagmamasdan ang mga ulap mula sa inaayos pang bubungan ng kwarto. May isang itim na anino ang tumalon sa akin. Sa takot ko ay pumunta ako sa kusina at sinumbong ang nangyari. Hindi naniwala sila papa. Nobyembre, kaming magkakapatid lang ang nasa bago naming bahay. Inaantay namin ang Magandang Gabi Bayan Halloween special sa TV. Inutusan ako ng panganay namin na magpinaw ng mga sinampay. Dinala ko ang mga damit sa kwarto. Tandang-tanda ko ang nakita ko. Isang malaking kamay ng tao na nagpupumilit pumasok sa maliit na butas ng bubong. Ang bahay namin na iyon ay nakasilong sa isang malaking puno ng acacia. Sabi ng mga matatanda doon ay may kapreng naninirahan sa puno. Alam ng punong acacia na iyon ang mga sikreto ko. Madalas kasi ako noong umakyat sa bubong para bumulong. 

Lumipas ang mga panahon, naghiwalay sila mama at papa. Nawala ang bahay. Nagpalipat-lipat kami ng tirahan, pero hindi nawala ang kagustuhan kong mapalibutan ng mga luntiang puno't halaman. Limang taon na ata o higit pa noong bumalik ako sa bahay na kinalakihan ko. Mas matanda pa ito sa akin. Ngayon, wala na ang mga balete sa tapat ng bahay. Wala na rin ang kanal at mga santan. Ang mga natira na lang ay mga birds of paradise at iba pang mga bagong halaman. Wala na rin ang mga insektong itim at mga paru-paro. Nagtataasan ang mga bahay, nagliliitan ang mga puno. Wala na ang kabilang dimensyon na mararating mo lang kung wala kang takot na mahulog sa kanal. Nakakatakot isipin na balang araw, mawawala na ang lahat ng alaala. Mamatay ang lahat ng misteryo at hiwaga. 

Mawawala ang mga kapre. Kung ganoon lang din, mas gugustuhin ko na lang mawala. 

0 comments:

Ayoko na dito :(

7/10/2019 Japhet 0 Comments

Hinga-hinga. Pasasaan pa't matatapos din ang lahat. Sa totoo lang pagod na ako. Kinakaya ko naman, salamat sa mga maskara ko. Ang hirap pala kapag hindi mo ma-articulate yung may bagay na gusto mong ipahayag sa mundo. Ang bigat. Akala ko kaya kong dalhin pero habang tumatagal lalo kong nararamdaman na nabubulok na ako. Pakiramdam ko wala akong boses sa sistemang kinapaplooban ko. Ang hirap. Hindi naman ako dapat nalulungkot pero heto ako't sinusubukan ilagay sa isang blog article yung putang inang nararamdaman ko. Sabi nila ipagdadasal nila ko, sinamahan ko pa sila sa pagdarasal para sa sarili ko pero walang dasal na makakapagbago sa lahat ng nangyari. Pagagaanin nito ang loob ko pero hindi nito maalis ang lahat. Sawa na ako sa magagandang salita. Walang totoo sa mundong ito. Pinapaikot lang tayo ng ligaya, pinapatakas ng pantasya, at pinaglalaruan ng hiwaga. Walang kagilagilalas na nilalang na hindi nakapaloob sa kwentong hindi inimbento o dinagdagan. Ayoko na dito sa totoo lang. Sawa na akong makakita ng mga taong nakikiusap para sa mga karapatang nararapat naman sa kanila. Pagod na ko. Ayoko na!

0 comments:

ANG GULO-GULO-GULO-GULO!

7/01/2019 Japhet 0 Comments

Hoy Japhet! Huwag ka na iiyak sa mga talks ulit kasi hindi nakaka-ganda at lalong-lalo na nakakabahala ang mental state mo. Hindi ko alam kung anong nangyari sa akin kanina. Gumising ako ng maaga para tumulong sa Community Meeting ng MMPride. Pagkatapos, tumakbo ako sa talk ng PANTAY kasi alam ko ang energy ng Youth at gusto kong tumulong. Willing ako mag-pagamit kahit sa anong organisasyon basta lang hindi ako mamatay na wala akong ginawa. Gusto ko din magkaroon ng malalim na pag-unawa sa pinagdadaanan ko. Kanina narinig ko yung pinag-uusapan ng katabi ko (Hello! Kung nababasa niyo!), sabi niya ang secret daw to genuine happiness ay pagiging grateful. Totoo naman, naging masaya naman ako noon, nakahanap ako ng work, nagawa yung mga bagay na gusto ko, naging complacent. Kahit alam kong may mali, sinubukan kong magbulag-bulagan at maging piping saksi sa lahat pero natalo ako ng kakatihan ng lalamunan ko. Sukang-suka na ako sa sistemang ito. Hindi ko matanggap na dahil sa pagiging grateful ko ay masyado na akong naging bersyon ng taong kinamumuhian ko. Noong nasa call center pa ako, sobrang naging resilient ako sa lahat ng bagay. Tinatanggap ko lahat kahit alam kong mali dahil grateful ako na hindi kagaya ng iba ay may trabaho ako. Wala akong paki-alam sa nararamdaman ng iba, basta ang mahalaga ay ako. Isang araw, habang rumaraket ay tinamaan ako ng lintek. Meron akong isang istoryang narinig na sobrang bumagabag sakin. Pakiramdam ko ay may kung anong barang ang istorya na yun dahil pilit nitong binuksan ang aking tenga para makinig pa sa mga kwento ng iba. Ang bigat sa loob na walang gawin pero sinabi ko sa sarili kong Pinoy ako! Resilient ito sa mga ganyang bagay. Normal sa akin ang abuso at patayan. Dumaan ulit ang mga panahon na wala akong ginawa hanggang sa umabot na ako sa ganito. Babalik at babalik parin pala ako sa lansangan. May katapusan kaya ang mga ito? Maaring sabihing oo, pero sa mga nakaranas ng pang-aabuso at naputulan na ng dila sa pakikibaka, para itong isang malaking bangungot.

Naka-upo ako ngayon sa loob ng opisina at hindi alam kung saan pupunta itong sinusulat ko pero gusto kong magsulat. Ito na lang kasi pakiramdam ko ang meron ako bukod sa maskarang araw-araw kong sinusuot.

Minsan iniisip ko, yung mga kagaya kaya talaga namin na nasa ibaba ay sincere na tinutulungan ng mga komunidad at mga organisasyong ito, or isa lamang kaming props, instrumento para masabi nilang they really care? Mali namang isipan ko sila ng mali kasi nakita ko namang ginagawa din nila yung best nila, pero bakit nga ba hindi tayo magtagpo-tagpo sa gitna?

Sobra yung drive ko sa pagtatapos ng 2nd quarter pero wala akong direksyon. Siguro prosesso itong kailangan kong maintindihan, wala pa ako dun, pero ah bahala na. Gawa lang ng gawa. Andiyan naman si Shanti Dope YEH!

0 comments:

Pagkatapos ng TEH Talks *2018 pa pala ito.

7/01/2019 Japhet 0 Comments

*Kanina nag-kakalkal akong mga kung ano-anong pinagsusulat ko noon nung makita ko itong love letter ko sa sarili ko. Ewan ko, love letter bang maitatawag ito? 2018 pa ito. Naalala ko ito yung umuwi akong umiiyak dahil pakiramdam ko hindi ako kabilang. Di ko makita tribe ko. Iniisip ko kung may hinahanap ba ako o sadyang nawawala talaga ako?

----------------------------

Dati, LGBTQI+ is only a label I put myself into. Masaya na akong masabing parte ako nung community through online. Keyboard warrior ng sangkabaklaan. Nakikibaka, nagrere-tweet, nagshishare para sa bayan, para sa mga bakla, para sa mga susunod na ako. Akala ko alam ko na ang lahat tungkol sa akin, sa karapatan ko, sa hinaing ng mga kagaya ko at sa makulay na mundo ng mga rainbows and unicorns. Akala ko... pero hindi pala.  

Kahapon umattend ako ng TEH Talks, isa siyang gathering for LGBTQI+ community na open to all. Doon ay magshishare ang mga speakers mula sa ibat-ibang field of expertise ng mga sarili nilang stories to show why Pride is Power. Si Samantha Lee na isang filmmaker ay nag-kwento tungkol sa kaniyang pursuit of representation in media. Si Maynilad COO Randy Estrallado naman eh nag-share ng struggles niya as a gay man in the corporate industry and how he overcome all those private sector shits. Si Mela Franco Habijan ay makulay na sinalaysay kung paano niya pinakawalan ang kaniyang inner Queen habang si Rajo Laurel naman ay nagkwento kung paano ang kaniyang confidence as a gay man lead him to where he is right now. Pagkatapos ng roughly 4 hours na talk, umalis ako sa venue na mabigat ang dibdib. Hindi ko nakita ang sarili ko sa ni-isa sa kanila. Hindi iyon ang istorya ko. Hindi iyon ang mga naging struggles ko. Biglang nag-rewind ang lahat sa akin. Biglang nanlambot ang tuhod, hindi ako mapakali, hindi ako makahinga. Ngayon ko lang naramdaman yung impact ng mga bagay na nangyari sa akin noon. Hindi naman ako ganito. Bakit kung kailan nag-immerse ako sa community dun ako nakaramdam ng lungkot. Siguro naumpog ako.

Hindi naman siguro ako nag-iisa. Marami pang kagaya ko. Gaya ni Samantha Lee, naisip ko sino kayang nagrerepresent sa mga kagaya ko? Bigla na lang akong naiyak. May mga tao bang kagaya ko? Para akong tangang ngumangawa sa gilid ng kalsada. Ang bigat. Ang bigat-bigat. Ako lang ang makakaintindi ng pinagdadaanan ko ngayon. Babush!

0 comments: