VALENTINES SPECIAL: Si Mina at Jaime - BWAHAHAHA!



Matagal ng hiwalay si Mama at Papa at alam kong parehas na silang naka-moved on sa mga buhay nila. Alam kong maiimbyerna ang nanay ko kapag nabasa niya ito at maaring idemanda niya ako pero that’s life. Gusto ko lang kasi ishare sa inyo guysh yung isang tagpo sa serye ng hiwalayang Jaime at Mina, at ang pronunciation niyan ay “Hay-Me” not “Jay-Me” like most mamayang millennials will probably do. Itong tagpong ito talaga yung isa mga hindi ko malilimutan dahil isa ito sa mga talagang tingin ko eh gigimbal sa mga drama rama sa hapon. Pinamagatan ko ang tagpong itong "Adobo". 

So I was like YOLOing (hindi ito pagmamasturbate please!) in our house sa C5 when all of a sudden, may kumatok sa pinto. Pag-bukas ko ay laking gulat kong makita ang aking amang si Jaime with a huge plastic of chicken and pork adobo ingredients. Alam kong hindi na nila gustong makita ang isat-isa lalong-lalo na sa bahay pero ano ang laban ko sa isang plastic ng about to be CHICKEN PORK ADOBO? So I let Jaime enter the house and cook dahil love niya ang pagluluto at love ko ang pagkain. Ang saya-saya ko na maamoy ang kumukulong toyo na may paminta at dahon ng laurel. Para akong nasa isang masayang restaurant ng ihain sa akin ni Jaime ang Adobo, hanggang sa may isa nanamang katok akong narinig sa pinto. Hindi ako kinabahan sa puntong iyon dahil most probably that's just Dech. Pero mali ako. Pagbukas ni Jaime ng pinto ay bumungad sa kaniya ang pagod at nagngingitngit na si Mina. Pumasok si Mina sa loob ng bahay na naka-silent mode. Naunsiyame ang pagsubo ko ng isang kutsara ng mainit na kanin na may kasamang Chicken Pork Adobo na umuusok-usok pa. Silent mode parin, ay isinalampak ni Mina ang kaniyang bag, kumuha ng ilang gamit at sinabing, sa office na lang ako matutulog, sabay labas ng bahay. Sumunod si Jaime sa labas at naiwan ako at ang adobo sa loob ng bahay. 

Sa puntong iyon ay nilantakan ko ang adobo. 


Bakit ba may mga taong ungrateful?

Picture for attention only haha! Ganda ng pez ko dito eh
Naranasan mo na ba sa buhay mo na gumawa ng mabuti? Well, if you are about to ask me siyempre oo ang isasagot ko kahit may times na hindi talaga bukal sa loob ko ang ginagawa ko. Minsan required kasi...basta alam mo na yung mga ganung pagkakataon. 

May isang beses kasi sa buhay ko while I was going home from our shitty office in Mandaluyong eh naisipan ko gumawa ng mabuti. So I was standing in line sa terminal ng tricycle sa Guadalupe nang biglang out of the blue eh umulan. My gosh! Biglang nagdisperse ang mga tao at bilang laging handa ay inilabas ko ang maalamat kong payong ng Greenhills. Alam mo yung payong kapag nag-golf ka? Kung wala kang alam sa golf imagine mo na lang yung payong ng nagtitinda ng ice cream, hindi ganun, kasi mas maliit ng kaunti dun. Eh since si kuyang nasa harapan ko ay mukhang hindi magpapatinag sa ulan kahit sobrang wet na siya, as in wet na wet, eh dahan-dahan ko siyang ipinasukob sa malahigante kong payong. Ilang saglit lang ay bigla siyang nagtaka at wala ng pumapatak na tubig ulan sa kaniyang payatot na katawan. Lumingon siya sakin kaya sinuklian ko siya ng napaka-buti at ganda kong mga ngiti na hindi lumalabas ang ngipin. At ang hitad na si kuya ay bigla akong tinignan ng masama at lumabas sa silong ng maganda kong payong. Tangina niya! Napaka matapobre! Minsan na nga lang ako gumawa ng kabutihan sa buhay ko hindi niya pa ako binigyan ng chance! Sa galit ko sinahuran ko siya ng tubig ulan galing sa payong ko. Nyeta ka kuya.

The other day, malakas pa rin ang ulan at dala-dala ko pa rin ang mahiwagang payong papasok naman sa office. Nakakita ako ng matandang lalaki na may dalang stroller bag. Siguro ay papunta siya sa pwesto niya para magtinda. Maaga pa naman at hindi pa ako malilate sa opisina. Hindi ko siya pinasukob.

Duck Walk

Wala ako dito kasi am peymus
Kung isa ka sa mga Mamayang Millennials na nakatungtong sa mataas na paaralan kung saan ako nanggaling, I'm sure makaka-relate ka dito. Pero kung never ka na-late dahil pa-bibo kang estudyante, ang KJ mo shit ka! I'd like to share to you guysh a story that shaped a generation of millennials.  A story about pain and agony. 

Ito

ang

DuckWalk

sa Oval! val! val! val! val!... ang corny shet!

Yes, you've read it right! Isang araw kasi, naisipan ng mga teachers namin noong highschool na magbigay ng di malilimutang parusa para sa mga dumadaming bilang ng  late students. Sa kasamaang palad, isa ako sa mga estudyanteng na-apektuhan. Ang flag ceremony kasi sa amin ay usually nagsisimula ng 5:30 AM (syet hindi ako sure). Suwerte ka kapag nakarating ka na nagpapanatang makabayan pa lang dahil ibig sabihin hindi ka pa late. Pero kapag nagsimula ng magsipasukan ng nakapila ang mga estudyante ay kabahan ka na. Well, hindi naman sa pagmamayabang pero nasa higher section ako noong HighSchool kaya nauuna lagi ang section namin na pumasok sa loob, at malaking disadvantage siya para sa akin na laging nali-late. Gayunpaman, nakagawian ko na makipagkaibigan sa mga lower sections (wazzup) kaya kapag nakapasok na ang section namin ay nagagawan ko lagi ng paraan. Kaso, dumating ang araw na OA na ang pagka-late ko at hindi ako handa sa mga sumunod na pangyayari. Isa-isa kaming pinapila sa harap ng Oval (Oo! OLYPMPIC SIZE OVAL TANGINA) na punong-puno pa noon ng mga damo at talahib at saka pina-upo. Ang instructions, kailangan daw namin mag DUCK WALK pa-ikot sa kalahati ng puking inang olypmpic size oval na iyon. Hindi naman ako pressured dahil madami kaming sisintensyahan at kalahati lang naman yun ng olympic size oval hello! Ang masakit lang talaga sa loob ko eh yung fact na wala ni isa sa section namin ang present sa mga oras na iyon. Nagdadasal ako na wag sanang sumilip ang adviser ko dahil putcha nakakahiya talaga. 

Ang duck walk ay isang form of torture exercise kung saan maglalakad ka ng naka-squat, minsan nakalagay ang iyong mga kamay sa likod ng iyong ulo pero para kami ay parusahan sa amin, naisipan nilang ipayakap ang aming mga braso sa aming mga punyetang tuhod. Sa isip ko noong mga panahong iyon ay sisiw ito para sa fit and super hot na katulad ko, pero matapos kong maabot ang 5 feet ay plano ko ng ipatorjak ang mga teachers na nagpagawa sa amin nito. Kulang na lang ay isangla ko ang kaluluwa ko kay satanas para makaalis sa duck walk trail. Parang may biglang lalabas na malaking kapre sa loob ng mga hita ko. Unti-unti kong nararamdaman na napupunit ang mga virgin kong muscles. Wala pa sa kalahati ay parang susuko na ako pero may nakita akong classmate na magsisimula palang mag-duck walk. Sobrang saya sa feeling na makakita ng kadamay at kasama mong mag-eexplain kung bakit mali-late ka sa first subject, pero wala akong paki-alam sa kaniya dahil tangina kaniya-kaniya na ito. Minabuti kong madaliin ang pag-duck walk para makaalis sa trail na hindi niya nakikita. Tiniis ko ang sakit, hapdi, at pawis para lang hindi niya maabutan. Pagkatapos ng Duck Walk, nagawa pa ng teacher na sabihing wag na kami ulit malilate sabay kultap sa mala-pubic hair kong patilya dahil mahaba na raw. Akala ko pa naman ay makakarating ako sa classroom na walang mantsa ng punishment. 

Kinabukasan, minabuti kong hindi pumasok. 

Manananggal si Mama

Ang Manananggal kong Ina at tiyanak na si Dech. Yung maputing cute na baby na mukhang anak ng Afam ako yun, well.

Kung kinilabutan kayo sa kwento ko tungkol sa tunay na anyo ng aking Tita, feeling ko mas tatayo ang balahibo niyo sa susunod kong kwento. Bilang buhay pa naman ako matapos niyong mabasa ang nakaraang blog post, hindi na ako magdadalawang isip pa para isiwalat ang sikreto ng pamilya namin. To be more specific, ang sikreto sa likod ng aking manananggal na ina. 

Noong bata ako, naalala ko kung paano ako takutin ni mama para lang matulog. Ang ginagawa niya, tinatanggal niya ang kaniyang pustiso at sa isang iglap ay nagigi-siyang halimaw sa aking paningin. Tandang-tanda ko pa kung paano ako nag-ala Kris Aquino na hinahabol ni Lilia Cuntapay sa Pelikulang Shake Rattle and Roll na movie nang minsan niya akong takutin. Nagtago ako noon sa cabinet at kung hindi ako nagkakamali, kasama ko sa traumatic experience na ito ang kapatid ko na si +Clarissa  aka www.clumsyclariss.com (FREE PLUG). Akala ko ito ay isa lang sa mga scare tactics niya para turuan kami ng leksiyon. Ang di ko alam, isa na pala ito sa mga signs para isiwalat niya sa amin ang kaniyang tunay na anyo. 

Si mama ang panganay sa kanilang mga magkakapatid. Palagi niya sa aking proud na kinukuwento kung gaano siya laging lumiliban sa klase para mamimitas ng bulaklak at mag YOLO sa kanilang baryo. Si mama nga pala ang kauna-unahang YOLO girl mula sa Gumaca Quezon. Yan ang naisip kong call sign niya kapag pumasok siya ng Bahay ni Kuya, pero hindi ito nangyari. Minsan nga akong nakakita ng class picture niya noong grade school na hindi naman nakakapagtaka kung bakit siya wala, that is because I'm 100% sure na she's YOLOing with her kagubatan friends. Dahil sa kaniyang YOLO attitude, ilang beses si mama muntik ng mapaslang ni lolo. Gamit ang aking galing sa pagresearch ay natuklasan kong gumagamit siya ng kaniyang kapangyarihan para makapagtago. Ayon sa kuwento ni Lola Rapunzel, madalas daw na nawawala si mama at bigla nalang nakikitang nasa bayan o di kaya ay nasa taas ng puno. Hindi ko alam kung alam na ba ni lola rapunzel ang tungkol sa mga anyo ng kaniyang mga babaeng anak pero I'm sure minamarapat na lang niyang huwag itong ihayag para sa kanilang kapakanan. 

NOTE: Guysh ginagawa ko lang ito para malaman ng mga susunod na henerasyon ng pamilya namin ang katotohanan, don't judge me. I'd rather have an aswang, tikbalang, shokoy, sirena, kapre and mangkukulam in the family than spiderman, batman, Jedi ek ek and whatever man! 

Lumipas ang maraming taon at naisipan kong bumukod sa haligi ng aking ina. Sa isip ko, hindi rin naman siya madalas nauwi at alam ko rin naman na sa edad niyang iyon ay kailangan niya na rin ng privacy. Sa limang taong naka-bukod ako kay mama, napansin ko na may kakaiba sa kaniya. Dahil sa advent of technology (FACEBOOK whatever!) napansin ko lalo na mas napapadalas siyang napupunta sa ibat-ibang lugar sa maikling panahon, which I know hindi nagagawa ng mga normal. Napansin ko na ito nung bata ako dahil hindi ko maintindihan paano siya naging rescuer, nanay, estudyante, at entrepreneur ng ibat-ibang networking groups with power to 10th level. Akala ko sadyang magaling lang siya mag multi-task pero nagkamali ako. Napag-alaman kong may kakayahan si Mama na hatiin ang kaniyang katawan. Oo tama ang iniisip mo, gaya ng isang manananggal, dahil isa siya sa mga ito. Nung una ay hindi ko matanggap na maging isang anak ng manananggal pero Nanay ko siya at mahal ko siya no matter what they tell me, no matter what they say.

Kaya pala madalas wala si Mama tuwing gabi noong bata pa ako ay dahil marahil, kumakain siya ng mga yumao nilang narerescue. Kung paano siya nakakapunta sa isang location ng buo ang katawan ay marahil may reserba siyang kalahating katawan sa ibat-ibang sulok ng Pilipinas. Kapag inistalk niyo ang nanay ko (at your own risk) mapapansin niyong nalibot na ata niya ang buong Pilipinas maging ang ilang lupalop ng Asia.

Hindi ko alam kung ano ang magiging tingin ng mga tao kay mama matapos mabasa ng mga commoners ang post ko na ito. Aswang man o manananggal ay naging mabuting mamayan si Mama ng bansa. Madami siyang naiambag sa lipunan di gaya ng iba diyan pero marahil dahil sa kaniyang anyo ay itatakwil parin siya ng ilang mangmang na mamayang millennials. Sana dumating ang panahon na yakapin ng mga Pilipino ang lahing aswang. Naniniwala kasi ako na dito naka-ugat ang ilan sa mga hindi matatawarang istorya na sa ating bansa lang matatagpuan.


Trust Issues | Kung paano nasira ang aming muwang na isipan

japhet on the go

Isa sa mga dahilan kung bakit hirap ako mag-tiwala basta-basta sa mga tao ay dahil sa ginawa ng tito ko sa aming dalawa ng kapatid kong si dech. Itago na lang natin ang tito ko sa pangalang Tito Vamoy. Siya ang isa sa mga taong tinitingala namin na sumira ng aming pagtitiwala. Tandang tanda ko pa kung gaano kataas ang lagnat ni Dech noon (madalas siya lagnatin dahil lampayatot siya) at dahil presko sa taas kung saan nag-aaral si Tito Vamoy ay doon muna kami nag-stay. Laging inaasar ni Tito Vamoy si Dech dahil sa nakakatawa at mala-pucca nitong itsura. Kung di mo kilala si Pucca igoogle mo. Siya yung chinese na mukhang siopao na hawig ni chinchan. Pero hindi iyon ang pang asar sa kaniya ni tito. Lagi nitong tinutukso si Dech na pango dahil kumpara sa ilong niya na parang sa bumbay ay talaga namang parang magkaaway ang dalawang pisngi ng ilong ni Dech hanggang ngayon noon. Matapos mag-aral ni tito, naisipan na niyang simulan ang pag wasak sa aming inosenteng pagiisip. Tinanong niya kami kung alam ba namin kung paano gagaling si dech agad na sinagot naman namin ng hindi. Sabi niya, kapag inamoy daw ni dech ang kaniyang daliri na hindi namin alam kung saan nanggaling ay mawawala agad ang lagnat ni dech. Dahil alam naming matalino si tito ay agad naman kaming naniwala. Inamoy ni dech ang daliri ni tito. Ilang saglit pa ay biglang humagalpak sa tawa si tito at sinabing galing sa puwet niya ang daliri. Diring-diri kami parehas ni dech sa kaniya habang siya ay hindi na magkandaugaga sa katatawa dahil sa tagumpay na prank. 

Isa pa sa mga hindi matatawarang kasamaan na ginawa sa akin ni tito ay noong minsang kumakain kami ng santol at nalunok ko ang buto. Hindi alam ng inosente kong pag-iisip kung ano ang gagawin kaya madali niyang naisakatuparan ang kaniyang maitim na binabalak. Sinabi niya sa akin na tutubo ang santol sa aking ulo hanggang sa tuluyan na akong maging isang puno. Isang buong linggo kong sinubukang ilabas ang santol. Isang linggong ginalugad ko aking tae sa toilet pero ni minsan ay hindi ko ito nakita. Isang linggo ako nagplano kung ano ang gagawin kapag nagsimula na tumubo ang mga dahon at ugat sa aking katawan. Isang linggo akong nag-mukhang tanga dahil sa kasamaan ni tito vamoy.

Simula noon, hindi na agad ako basta-basta naniniwala... 

...at hindi gumaling si dech.

May Mangkukulam akong Tita!


Hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin oras na malaman ng tita ko na isinawalat ko na ang kaniyang totoong anyo. Guysh! Kung hindi man ako makapag-sulat ng bagong entry sa mga susunod na araw, alam niyo na kung anong nangyari sa akin. Sana ay huwag niyong husgahan ang tita ko. Sadyang ayaw niya lang talagang pinaguusapan.

Lumaki ang Tita ko sa pangangalaga ng aking butihing lola na itago na lang natin sa pangalang Lola Rapunzel. Siya ang bunso sa kanilang pitong magkakapatid. Hindi gaya ng ibang bunso (tulad ko) sa Pilipinas na ginagawang utusan, taga-bili, at kung ano-ano pang pang-aalipusta, ang pagpapalaki sa aking tita ay kakaiba. Siya ang prinsesa ng Lola Rapunzel at kaniyang mga kapatid. Minsan ngang naikuwento ng aking ina sa akin, na si Tita ang paborito ng Lolo, at ngayon ko lang narealize kung bakit. May kakaiba at itinatagong kapangyarihan ang aking tita na sa buong pamilya ay siya lang ang nakakagawa. Itatago ko ang aking tita sa pangalang, Luningning. 

Si Tita Luningning ang isa sa mga tita ko na nagpalaki sa akin. Nasubaybayan ko ang mga ginagawa niya sa tuwing nagkakalagnat siya at biglang naghuhukay sa likod ng bahay dahil daw may nakalibing doong ginto pati na rin ang pagkatalo niya sa Miss South Cembo na nagmulat sa akin ng salitang Luto ang Labanan. Hindi ko alam noong mga panahon na iyon na ang nasasaksihan ko pala ay isang proseso na maglalagay sa kaniya sa katayuan niya ngayon bilang isang mangkukulam. 

Natuklasan ko ang lahat nang minsan niya akong imbitahin sa kaniyang bahay para magpa-litrato. Nang babayaran na niya ang aking serbisyo ay pinapasok niya ako sa isang nakapangingilabot na kuwartong punong-puno ng kaniyang hindi maipaliwanag na koleksiyon. Isang kwartong nababalot ng makukulay na bagay na may itinatagong kadiliman. Nangongolekta siya ng mga barbie at iba pang manika na may mga matang susundan ka saan ka man naroroon sa loob ng kuwarto. Mayroon din siyang malalaking sinulid na malamang sa malamang ay ginagamit niya upang makapanakit ng mga taong nanghuhusga sa kaniya, nangungutang, at minsan ay sinasabihan siyang langaw (That's a different story).


Noon ngang nakaraan Year End Party nila ay nabalitaan kong nagsa- anyong pusa daw ang aking tita. May mga patotoong picture na kumakalat sa facebook, kayo na ang humusga.

Hindi ba't nakakatakot talaga?
Habang sinusulat ko ang post na ito ay nag-message siya sa akin ng mga damit na tinahi niya para sa kaniyang mga barbie. Guysh! Kinikilabutan ako. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa mga susunod na araw pero lalakasan ko ang loob ko para lang ihayag ang katotohanan. Ayoko ng barbie, ew!